wag. mong. ipressure. ang. iyong. sarili.
NATURAL sa tao ang magtampo. At kapag nagtatampo ay nakapagbibitaw ng mabigat na salita—o banta. Ang mahirap, kapag nakapagbitaw na ng ganitong salita, ang pressure ay nasa iyong sarili na.
Gawin nating halimbawa ang isang kilala kong personalidad. Features editor siya ng isang babasahing pambabae na napakasikat. Global brand ang nasabing women’s magazine kaya naman nang ilabas dito sa Pilipinas ay natangay ng kasikatan nito ang sinasabi kong personalidad kaya naging kilala na rin ang pangalan niya sa publishing industry at maging sa entertainment world. Karamihan kasi sa mga cover niya ay mga celebrity na sikat.
Minsan ay nagkaroon sila ng argumento ng kanyang editor-in-chief at ng publisher dahil menor de edad ang celebrity na napisil niyang gawing cover story at interbyuhin para sa isang particular issue. Ang nasabing celebrity ay unti-unti nang nagkakapangalan noon sa showbiz at pinalalabas na hindi na menor. Pero aware ang EIC at ang publisher sa totoong edad ng celebrity.
Matigas sa kanyang paninindigan ang features editor na magamit na cover story ang menor de edad. Aniya ay kaya niyang lusutan iyon, at kung magkaroon man ng isyu o eskandalo, mas mapag-uusapan ang magasin at siguradong papatok lalo ang benta.
Ngunit mas takot ang publisher sa posibleng maging indulto, lalo na kung matawag ang pansin ng Department of Social Welfare and Development. Ang ginawa ng EIC at ng publsiher, kahit nasa imprenta na ang deadline ng magasin ay ipinabago pa rin sa ibang staff ang cover at inalis sa feature sa loob ang menor de edad.
Na-offend ang features editor at nasaktan ang ego. Agad siyang nag-resign at nagbanta: Maglalabas umano siya ng panibagong women’s magazine at pababagsakin niya ang dating magasin na pinaglilingkuran.
Dahil kilala na nga siya sa industriya ay madali siyang nakakuha ng financier para sa plano niyang bagong women’s magazine. Nakakuha siya ng staff at nabuo ang kumpanya. Sa unang tingin ay nasa pagsasakatuparan siya para sa banta na pababagsakin ang dating employer. Ngunit makalipas ang tatlong issue ay nagsara rin agad ang magasin dahil nainip ang financier sa return of investment, at nalakihan masyado sa overhead.
Bigo ang features editor sa kanyang banta. At dahil alam niyang nakarating sa dating employer ang nangyari sa kanyang project—lalo lang nasugatan ang kanyang ego.
Kamakailan ay nakuha uli siyang features editor sa isa pang lifestyle magazine kasi nga ay ito ang kanyang expertise. Ang masaklap, mukhang bago matapos ang 2009 ay magsasara na rin ang nasabing title. Gusto kong isipin kung ano ang pakiramdam niya ngayon. Ilang taon na ang nakararaan, ang kanyang banta sa dating employer ay nananatili pa ring walang katuparan.
Ito ang sinasabi ko—huwag nating lagyan ng pressure ang sarili natin kung tayo man ang nasa ganitong sitwasyon.
Marami na akong napanggalingang kumpanya. Ang ilan ay tinanggal din ako sa samutsaring kadahilanan. Sumasama ang loob ko pero hindi ako nagbabanta.
Ang pilosopiya ko, aalis ako na wala silang maririnig sa akin. Ngayon, kung may magandang mangyari sa akin sa aking panibagong tour of duty, sampal sa kanila iyon. Pero hinding-hindi ako nagbibitaw ng salitang gaya nang may ibabagsak ako, o may pagsisisihan sila sa pagtatanggal sa akin. Mahirap na.
Isa pa, ugaling bata naman iyon. Para bang dahil hindi ka naisali sa laro ay sasabihan mo ang ibang bata na, “Sige, bibili ako ng kendi hindi ko kayo bibigyan!”
Kung may kakayahan tayo, alam natin iyon sa ating sarili. Masibak man tayo sa trabaho kahit hindi natin kasalanan o dahil ipinaglaban lang natin ang ating karapatan, humayo tayo na walang galit sa dibdib. Magsimula tayo ng panibago na walang pabigat sa kalooban. Walang pressure. Ang oportunidad ay mas naghihintay sa mga nagpapakababa.
Comments
Post a Comment